Home News Agriculture 120 dairy buffalo, ipamamahagi sa mga magsasaka
120 dairy buffalo, ipamamahagi sa mga magsasaka

120 dairy buffalo, ipamamahagi sa mga magsasaka

169
0

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Isang daan at dalawampung (120) dairy buffalo (kalabaw) ang ipagkakaloob ng Department of Agriculture (DA) sa pamumuno ni Secretary Manny Pinol, sa mga magsasaka sa lalawigan, matapos nitong aprobahan ang kahilingan ni Board Member Dexter Dominguez, Chairman ng Committee on Social Welfare and Development sa Sangguniang Panlalawigan.
Sinabi Bokal Dominguez na bago pa man aprobahan ang kanyang kahilingan sa tulong ng rekomendasyon ni Senator Grace Poe, ay bumisita pa muna umano sa lalawigan, partikular na sa Hacienda Gabon, bayan ng Abucay, ang team ng DA sa pangunguna ni Director Daniel Aquino, sa isang ocular inspection para siguruhin na magiging maayos ang paglalagyan ng mga nasabing kalabaw.
Dagdag pa ni Dominguez, malaking tulong ang nagawa nina Vice Governor Cris Garcia, Provincial Veterinarian Dr. Albert Venturina, Municipal Agriculturists ng Abucay na sina Ms. Caridad Rubiano at Mr. Erano Manabe, kung saan sa isang pagpupulong ay tinalakay nila ang maayos na distribusyon ng mga kalabaw gayundin kung papaano pa magkakaroon ng dagdag na kita ang mga magsasaka mula rito.
Ipinaliwanag pa ni Bokal Dominguez na noon pa mang panahon ni Congressman Tet Garcia ay nasimulan na ang proyektong pamamahagi ng mga kalabaw sa tulong ng Philippine Carabao Center at kanya lamang itong itinutuloy.
Nangako rin umano ang Philippine Carabao Center na magbibigay ng training sa mga magsasaka para turuan ang mga ito ng iba’t ibang paraan ng paggawa ng mga dairy products tulad ng kesong puti at gatas.
Sinabi pa ni Bokal Dominguez na makikipag-ugnayan siya sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) para pag-aralan nila ang pamamahagi ng gatas sa mga day care children gayundin sa ibang paaralan para mabawasan ang malnutrition sa mga mag-aaral.
Bagama’t ang 120 kalabaw ay nakatakdang ipamahagi sa susunod na taon, nagpauna umano si Sec. Pinol ng 10 kalabaw para ibigay sa grupo/asosasyon ng mga magsasaka sa bayan ng Abucay, dagdag pa ni Bokal Dominguez.

Facebook Comments