Home News Batang biyaya
Batang biyaya

Batang biyaya

171
0

Ibinahagi ni Jose Mari M. Garcia, PIA-Bataan

Ika-12 ng Nobyembre 2009 nang biyayaan ng pangatlong anak na lalaki sina Eduardo Nicdao at Marilou Martinicio ng Burgos A, Pilar, Bataan. Ngunit dahil may katandaan na rin si nanay Marilou na nagtrabaho bilang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Hong Kong, hindi naging madali para sa kanila na palakihin ang kanilang anak.

Dahil sa sakit na vertigo at hypertension, kinailangang magsilang agad si Marilou, at ipinanganak niya si David Edward Nicdao nang walong buwan pa lamang at may Mild Cerebral Palsy. Agaw buhay noon ang mag-ina. Nailuwal naman ang bata, ngunit kinailangang manatili si David nang isa’t kalahating buwan pa sa hospital.

Makaraang makalabas sa hospital, dalawang buwan pa lamang si David ay kinailangan na siyang sumailalim sa laser operation, upang maging normal ang kanyang paningin. Kinailangan rin siyang sumailalim sa magnetic resonance imaging o MRI, ngunit dahil ubos na ang ipon ng mag-asawa, hindi na ito naisakatuparan pa. Maging ang therapy sa bata ay hindi na rin nakayang tustusan ng kanyang mga magulang.

Sa kabila ng kanyang sitwasyon, hindi sinayang nina tatay Eduardo at nanay Marilou ang katalinuhang taglay ni David. Sa kasalukuyan, tatlong taon na siyang nag-aaral sa Pilar Elementary School sa ilalim ng Special Education (SPED) Program ng Department of Education.

Nakita ni Marilou ang kagustuhang matuto ni David: masayang pumapasok sa eskwela, nagsusulat at nagbabasa. “Dati nahihiya kaming ilabas si David pero nang magsimula na siyang mag-aral, nawala na lahat ng pangamba namin,” ani Marilou. “Nabuksan ang isip namin na sumali sa mga programa ng gobyerno para sa mga taong may kapansanan.”

Ngayon, tatlong taon nang dumadalo ang pamilya Nicdao sa National Disability Prevention and Rehabilitation Week na ipinagdiriwang tuwing ikatlong linggo ng Hulyo sa buong bansa at maging dito sa Bataan.

Malaki rin ang pasasalamat ng mag-asawa sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) dahil sa mga pagkakataong wala na silang magugol nang maospital si David, sila ang naging katuwang nila. Ang gamot ni David ay kaloob ng pamahalaan ng Bataan.

Hindi na muling bumalik pa si nanay Marilou sa Hong Kong. Sa halip ay tumutok siya kay David, dahil para sa kanila, siya ay biyaya mula sa langit.

May kapansanan man o wala, wagas ang pagmamahal nila para sa batang biyaya.

 With report from Gladys Grace S. Nohay, intern

Facebook Comments