Epekto ng El Nino phenomenon, napaghandaan ng BALANGA

Epekto ng El Nino phenomenon, napaghandaan ng BALANGA

Epekto ng El Nino phenomenon, napaghandaan ng BALANGA

897
0

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Ibinalita ni Balanga City Agriculturist Nerissa Mateo na maliit na bilang lamang ng magsasaka sa lungsod ng Balanga ang naapektuhan ng El Nino phenomenon kung ikukumpara sa pinsalang dulot nito sa ibang lalawigan sa Gitnang Luzon.

Ayon pa kay Mateo, noon pang isang taon ay pinaghandaan na ng mga magsasaka sa mga Barangay ng Tuyo, Cataning, Central at Cupang Proper ang idudulot ng El Nino phenomenon.

Sinabi rin ni Mateo na sa tulong ng City Agriculture and Fishery Council sa pamumuno ni Henry Custodio kinausap nila ang bawat miyembro ng Greater Bani Farmers Association, Manimas Farmers at Maluang Farmers na bawasan ang kanilang tatamnan sa kanilang sakahan na sa halip na dalawang ektarya ang taniman sa ngayon isang ektarya muna.

Isang dahilan nito ay upang hindi sila gaanong malugi kung sakali mang dumating ang panahon na wala na silang makuhanan ng tubig para sa kanilang pananim. Sa ngayon ramdam na ng ating mga magsasaka sa Tuyo at sa Cataning ang epekto ng El Nino, dagdag pa ni Mateo.

Sa ngayon, may programa ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa lahat ng mga magsasaka na naapektuhan ng El Nino. Sila ay magtatrabaho sa Office of the City Agriculturist bilang farm helpers sa loob ng 10 araw, kapalit nito ay susuwelduhan sila batay sa minimum wages.

Sinabi pa ni Mateo na may parating na pondo para sa isang reservoir dam para sa water impounding sa tatlong Barangay ng Cupang Proper, Central at Cataning. Sa oras na dumating ang nasabing pondo, agad na sisimulan ang proyekto upang hindi na maramdaman ang epekto ng El Nino sa mga darating na panahon.

Sa humigit kumulang 700 magsasaka sa Lungsod, maliit na prosyento lamang umano nito ang nakararanas ng epekto ng El Nino kung kaya’t sila ay umaani pa.

Gayumpaman, naglabas na ng tagubilin si City Mayor Joet Garcia na tutukan ang lagay ng mga magsasaka sa Lungsod upang agad silang mahatiran ng kaukulang tulong kung kinakailangan.

Facebook Comments