LGUs na nagtitiwala sa Econest, dumarami

LGUs na nagtitiwala sa Econest, dumarami

LGUs na nagtitiwala sa Econest, dumarami

1.38K
0

HERMOSA, Bataan – Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga local government units (LGUs) na nagtitiwala sa kumpanyang nag-ooperate ng Hermosa Sanitary Landfill Facility (Hermosa SLF) na matatagpuan sa Barangay Mambog sa bayang ito.

Nitong nagdaang Lunes, ika-2 ng Abril, ay pumirma na sa isang kasunduan ang ECONEST Waste Management Corporation bilang kapartner ng Pamahalaang Bayan ng San Felipe, Zambales sa kanilang solid waste management  program.

Pinangunahan ni San Felipe Mayor, Atty. Carolyn Fariñas at ni Atty. Beulah Coeli C. Fiel, President and CEO ng ECONEST ang isinagawang contract signing kasama ang lahat ng mga bumubuo ng Sangguniang Bayan ng San Felipe at lahat ng kanilang mga punong barangay.

Sa naturang kasunduan, ayon kay Mayor Fariñas, mas makakatipid ang LGU San Felipe sa kanilang buwanang gastusin sa pagtatapon ng kanilang solid wastes sa Hermosa SLF dahil sa mas murang rates kumpara sa dati nilang pinagtatapunang landfill na walong oras anila ang layo sa kanilang bayan kumpara sa dalawang oras ng byahe ng kanilang garbage trucks patungo sa bayan ng Hermosa.

Ang Hermosa SLF ay ang kauna unahang Category 4 engineered sanitary landfill sa Central Luzon na naitatag sa pamamagitan ng PPP (public private partnership) scheme sa pagitan ng ECONEST at ng Pamahalaang Bayan ng Hermosa sa pamununo ni Mayor Antonio Joseph “Jopet” R. Inton.

Bukod sa bayan ng Hermosa ay sumunod ang ilang bayan sa Bataan na nagtiwala at naging kapartner na ng ECONEST kabilang na sina Mayor Efren “Bondjong” Pascual Jr. ng Orani, Mayor Generosa “Gene” M. Dela Fuente ng Samal. Patuloy naman ang positibong negosasyon ng naturang kumpanya sa mga alkalde ng LGU Mariveles, LGU Pilar, LGU Bagac at punong barangay ng LGU Lamao sa bayan ng Limay.

Isa rin ang ECONEST sa mga accredited companies ng Authority of the Freeport Area of Bataan sa kanilang solid waste management efforts ng mga locators ng Bataan Freeport.

Hinihikayat din ni Atty. Fiel ang iba pang LGUs na sundin ang isinasaad sa batas partikular ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2002 kagaya ng epektibong pagpapatupad ng ilang bayan, kagaya ng Samal at Orani, Bataan at San Felipe, Zambales, sa isyu ng waste segregation o paghihiwalay ng mga nabubulok at hindi nabubulok na mga basura.

Panuntunan ng ECONEST ang “no segregation, no collection policy” bilang pagtalima sa R.A. 9003 na napapaulat at kadalasang hindi ipinapatupad ng ilang kumpanyang nasa ganitong industriya.

Samantala, ang ilang recyclable solid wastes na nakolekta o naitapon na sa Hermosa SLF ay ginagawang souvenir items ng EcoGuardians Foundation Inc., ang grupong binuo ng ECONEST para sa kanilang corporate social responsibility (CSR) efforts.

Facebook Comments