Makabagong makinarya para sa tiyak na ani at kita

Makabagong makinarya para sa tiyak na ani at kita

Makabagong makinarya para sa tiyak na ani at kita

109
0

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Nasiyahan ang sektor ng mga magsasaka dahil patuloy na isinusulong ng Philippine Center for Postharvest Development Mechanization (PHILMECH) ang paggamit ng makabagong kagamitan sa pagsasaka.
Ayon sa isang press release na ipinadala ng Phil. Information Agency at PhilMech Director Baldwin Jallorina, sa paggamit ng mga makinarya ay nai-aangat ang antas ng pagsasaka hindi lang sa bansa gayundin sa Lalawigan ng Bataan at nakatitiyak sa ani’t kita ng mga magsasaka.
Kaniyang ipinahayag na malaking tulong din ang paggamit ng makabagong teknolohiya upang mapababa ang porsyento ng mga nasasayang na butil ng palay o aning produkto na makatutulong sa pagkakaroon ng kasapatan sa pagkain ng Pilipinas.
Sinabi ni Dr. Rodolfo Estigoy, hepe ng PhilMech Applied Communication Division, sa bigas pa lamang ay nasa 16 porsyento na mula sa kabuuang ani ang nawawala o nasasayang sa bansa dahil sa maling paraan ng pag-ani o pagpapatuyo ng palay.
Ito aniya ay dahil sa maling panahon ng pag-ani at maling kasanayan sa pagsasaka gaya ng pagpapatuyo ng palay sa mga kalsada na ang resulta ay nasasayang o nadudurog ang ibinibilad na palay.
Inihalimbawa pa ni Dr. Estigoy ang paggamit ng combined harvester na pinagsama ang proseso ng pag-ani at pag-giik ng palay na kung susumahin ay nasa 4,400 piso ang natitipid sa gastusin bukod pa kung gagamit ng rice transplanter na makatitipid ng nasa 1,100 piso.
Ilan aniya sa mga kilalang makinaryang ginagamit sa bansa ay ang hand tractor, four-wheel tractor, thresher, seed cleaner, reaper, drum seeder, power tiller, mechanical dryers, micro-rice mill, at rice milling system
Base sa pag-aaral ng tanggapan ay pang-walo lamang ang Pilipinas sa Asya sa lebel ng mekanisasyon sa agrikultura na pinangungunahan ng mga bansang Japan, Korea, at China.
Kung kaya’t ang panawagan ng tanggapan ay tangkilikin at maging bukas ang isipan sa mga pag-aaral at paggamit ng mga makinarya na makatutulong upang lumago ang industriya at kabuhayan ng mga kababayang umaasa sa pagsasaka
Samantala, isang resolusyon ang ipapasa ng samahang Sulong Magsasaka Association na nakabase sa Sitio Maluang Cupang Proper kay 2nd District Congressman Joet Garcia para tulungan at hilingin sa Department of Agriculture na magkaroon ng isang unit na 4LZ-5.5 Kubota DC70 Type Rice Combine upang makatugon na maiangat ang antas ng kabuhayan ng mga magsasakang miyembro at mga pamilya nito.

Facebook Comments