Mga kinukumpuni sa NLEX, SCTEX binuksan para sa Semana Santa

Mga kinukumpuni sa NLEX, SCTEX binuksan para sa Semana Santa

Mga kinukumpuni sa NLEX, SCTEX binuksan para sa Semana Santa

158
0

Ibinahagi ni Shane F. Velasco

LUNGSOD ng MALOLOS, Bulacan — Madadaanan na ng lahat ng uri ng sasakyan ang mga kinumpuni na mga linya ng kalsada sa kahabaan ng North Luzon Expressway o NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX ngayong uwian sa mga lalawigan para sa Semana Santa.

Ayon kay NLEX Corporation Vice President for Technology Glenn Campos, bahagi ito ng “Safe Trip Mo, Sagot Ko” Motorist Assistance Program na nagsususpinde ng lahat ng uri ng road works sa nasabing mga expressway mula Abril 12 hanggang 22.

Ito ang mga araw na inaasahang tataas nang 10 porsyento ang bilang ng mga sasakyang dadaan.

Dahil dito, may mga pagkukumpuni na tinapos na at ang mga isinailalim sa maintenance ay nadadaanan na ngayon.

Halimbawa na rito ang pagpapalit ng aspalto sa southbound lane ng Candaba Viaduct, o direksiyon paluwas sa Metro Manila, mula sa bahagi ng Apalit, Pampanga hanggang Pulilan, Bulacan.

Ang ginawa namang concrete reblocking sa apat na linya ng southbound lane ng NLEX sa bahagi ng Balagtas ay natapos na habang nadadaanan na ang ginawang rehabilitasyon sa mga lumulundong bahagi ng mga toll plaza sa Bocaue, sa southbound ng NLEX, at sa Balintawak na nasa northbound o direksiyon papuntang Bulacan at Pampanga.

Kaya’t tinitiyak ng NLEX Corporation na bukas ang lahat ng mga toll booths sa lahat ng toll plaza nito.

Patatakbuhin ito ng may 700 mga tellers at patrol officers mula naman sa Abril 15 na Lunes Santo hanggang sa Abril 22, araw ng Lunes matapos ang Linggo ng Pagkabuhay.

Sa SCTEX naman, bukas na sa trapiko ang mga isinaayos na linya sa Floridablanca interchange sa Pampanga at sa Dinalupihan interchange sa Bataan.

Facebook Comments