Pagkatiwalaan ang gobyerno sa pagpapatupad ng RA 11203 – Piñol

Pagkatiwalaan ang gobyerno sa pagpapatupad ng RA 11203 – Piñol

Pagkatiwalaan ang gobyerno sa pagpapatupad ng RA 11203 – Piñol

112
0

Ibinahagi ni Camille C. Nagaño, PIA

LUNGSOD AGHAM ng MUÑOZ, Nueva Ecija — Ipinanawagan ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa mga magsasaka na patuloy na pagkatiwalaan ang gobyerno sa pagpapatupad ng Batas Republika Bilang 11203 o ang Rice Trade Liberalization Law.
Ito ang naging mensahe ng kalihim sa idinaos na konsultasyon ng ahensya sa pagitan ng mga magsasaka at mga stakeholders hinggil sa naging pagpasa ng naturang batas.
Layunin aniya ng konsultasyon na maalis ang pangamba ng lahat sa magiging epekto ng pagpasok ng maraming angkat na bigas mula sa ibang bansa.
Gayundin ay maisama ang mga suhestyon galing mismo sa sektor sa pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations nito.
Kabilang sa mga iminungkahi ng mga magsasaka mula sa mga rehiyon ng Ilocos, Cordillera, Cagayan Valley at Gitnang Luzon ay ang kahandaan ng gobyerno sa mga maaaring umusbong na pangangailangan ng mga magsasaka sa pakikipagkumpitensya sa mga angkat na produkto at pagtalima sa batas.
Ayon kay Piñol, siguradong aagapay ang gobyerno at gagawin ang makakaya upang tulungan ang sektor.
Nakapaloob aniya sa RA 11203 ang pagkakaroon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund kung saan sampung bilyong piso ang ilalaan para sa farm mechanization, pautang, pamamahagi ng binhi, at mga kasanayan sa unang anim na taon na pagpapatupad ng batas.
Nasa kapangyarihan din ng Pangulo na baguhin ang mga ipapataw na taripa sa importasyon batay sa World Trade Organization Agreement on Agriculture.
Pahayag ng kalihim, mananatiling nakalinya sa kanilang programa ang pagpapaganda ng ani at pagpapalakas ng kita ng mga magsasaka, kahandaan sa kalamidad, at pagkakaroon ng masustansya at ligtas na kakaining bigas sa bansa.
Ang batas ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte nitong nakaraang Pebrero 14 na layuning magkaroon ng sapat na suplay o mapagkukunang bigas sa bansa, mapababa ang presyo nito sa kakayahan ng mamimili at magkaroon ng mas malawak na merkado ang mga magsasakang Pilipino hanggang sa ibang bansa.
Hiling naman ng ilang grupo ng mga magsasaka ay huwag apurahin ang pagpapatupad ng batas gayundin ay gumawa ng paraan upang tunay na maunawaan ng lahat ang bagong polisiya sa pagsasaka.
Ayon kay Federation of Free Farmers Cooperatives Inc. National Manager Raul Montemayor, hindi na mapipigilan ang pagpasok ng imported na bigas sa bansa ngunit patuloy sanang subaybayan ng gobyerno ang lahat ng mga pumapasok na produkto sa bansa kung saan galing at sino ang makikinabang.
Samantala, susunod namang pupulungin ng kagawaran upang hingang reaksyon at opinyon ang mga magsasaka sa natitirang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao ngayong Pebrero 27 hanggang Marso 1.

Facebook Comments