Part 18

Part 18

Part 18

1.26K
0

Morong

Ang Morong, ayon sa aklat na “Bataan – Land of Valor, People of Peace” na inilathala ni Fr. Wilfredo C. Paguio, ay naitatag bilang isang bayan noong 1607 sa pagpupunyagi ni Fr. Rodrigo Aganduru y Moriz de San Miguel, isang paring Augustino-Rekoleto. Dati, kabilang ang Morong sa mga pamayanan na nasa ilalim ng Corregimiento de Mariveles na itinatag noong 1607. May panahon na nasakop nito ang Bagac at itinuring na isang malayong baryo. Nahiwalay lang ang Bagac noong ito’y naitatag din bilang isang regular na bayan noong 1873.

 

Bayandati

Bayan” umano ang unang pangalan ng Morong, na tumutukoy sa lugar na kung tawagin sa kasalukuyan ay Baryo Nagbalayong. Ito ang unang Poblacion sa Morong na sinasabing itinayo ni Padre Rodrigo Aganduru y Moriz de San Miguel. Siya rin ang itinuturong nagtatag ng Mariveles at Bagac. Sa unang kapilya o simbahan na itinirik sa Morong itinanghal ang imahe ni Nuestra Señora de Pilar. Dito nagsimulang lumaganap ang Kristiyanismo sa nasabing bayan.

Datapwat batay sa mga bagong tuklas na dokumento ukol sa kasaysayan ng Bataan, lumilitaw na bago pa nakarating sa Morong at Bagac si Padre Rodrigo Aganduru ay nauna nang nagpunta at lumibot sa dalawang bayan ang mga Dominikano kahit hindi sakop ng kanilang hurisdiksyon ang kanlurang bahagi ng Bataan.

Ang unang Dominikano na nakarating sa Morong at Bagac ay si Padre Pedro Bolanos noong 1588. Siya ang nagtayo ng unang kapilya sa Bayan at nagtanghal sa imahe ni Nuestra Senora del Pilar sa mga Moro na una niyang inabutan nasabing lugar. Ang Mahal na Birhen ay isa lamang sa mga imahe na ipinalaganap ng mga Dominikano sa Bataan, Pangasinan at Batanes.

Si Padre Aganduru naman ay isang Agostino Rekoleto at hindi kasali ang Nuestra Senora del Pilar sa mga ipinalalaganap nilang imahen ng Kristiyanismo. Nasumpungan na lamang niya sa Morong ang imahe ng Mahal na Birhen at hindi na niya tinangkang baguhin pa ito.

Sina Victor Galan (1778-1779) at Jose Esteban (1779-1780) ay dalawa lamang sa mga naunang nanungkulang gobernadorcillo (alkalde) sa Morong. Namumukod-tangi naman si Fr. Ubaldo Ignacio bilang isa sa mga natalagang pari sa Morong noong 1857.

Kahit si Rev. Fr. Wilfredo C. Paguio ng Pilar ay wala ring naibigay na mga pangalan ng mga naging pari sa Morong. Wala kasing tala na iniwan ang mga misyonaryong Pransiskano o Rekoleto na napunta sa Bataan noong araw, hindi gaya ng mga Dominikano na may sariling aklatan sa University of Santo Tomas na puwedeng puntahan ng mga mananaliksik hanggang sa kasalukuyan.

Bagong bayan

Bagama’t pinakamaganda ang dalampasigan ng Baryo Nagbalayong sa buong Morong, masasabing ito’y hindi isang ligtas na lugar. Nakaharap kasi ito sa West Philippine Sea (dating South China Sea) at madalas itong lumubog sa tubig-dagat lalo na kung malakas ang hangin at nagkakaroon ng tidal surge/wave.

Dahil dito, inilipat ang pinakasentro ng Morong. Mula sa Bayan ay itinayo ang bagong kapilya/simbahan ni Nuestra Senora del Pilar sa mas mataas na bahagi ng Morong na ngayo’y kilala bilang Barangay Poblacion. Naganap ito noong 1884.

Ang simbahan na itinayo malapit sa Morong River ay natapos sa tulong ng mga Moro na dating nanirahan sa Morong. Sapilitan ang pagtatrabaho ng mamamayan para lang magawa ang kasalukuyang simbahan ng Nuestra Senora del Pilar. Sa pagkaroon ng bagong “Bayan” sa Poblacion, ang lumang “Bayan” sa Nagbalayong ay tinawag namang “Bayandati.”

 

Kalamidad

Noong ika-30 ng Setyembre 1890, ang bagong simbahan (provisional church) sa Morong na yari sa bato at gasang ay sinira ng isang malakas na bagyo. Pagkalipas ng isang buwan, ang kumbento naman ang nasunog. Dahil dito, ang misa at mga gawaing-pangrelihiyon ay idinaos pansamantala sa paaralan ng Poblacion habang ang paring nakadestino dito ay pansamantalang nakituloy sa isang pribadong bahay.

Nang matapos ang bagong simbahan ay natalaga doon si Fr. Felix Melero del Carmen, na pinalitan ni Fr. Domingo Cabrejas noong 1898. Siya ang paring inabutan ng himagsikan sa Morong noong 1898 at napatay ng mga rebelde.

 

Morong ngayon

Dahil sa kalayuan ng Morong sa Balanga at sa Olongapo City, naging mabagal ang pag-unlad ng nasabing bayan. Bagamat’ isa ito sa malalaking bayan sa lalawigan at sumasakop ng kabuuang 21,920 ektarya, hanggang sa ngayon ay lilimang barangay pa rin ang naitatag dito; ang Binaritan, Mabayo, Sabang, Poblacion at Nagbalayong.

Ang populasyon ng Morong noong Agusto 2010 ay natala sa 26,171, mas mataas ng bahagya sa Bagac na may 25,568 mamamayan. Ang malaking bahagi ng nasabing populasyon ay mga mangingisda o magsasaka. Malaking bilang din ang nagtrabaho sa dating US Naval Base sa Olongapo City at maging nang ito ay gawing Subic Bay Metropoitan Area (SBMA).

Sa kalipunan ng mga taga-Morong, isang tao ang namumukod-tangi: si Atty. Joaquin J. Linao na minsang naglingkod sa Bataan bilang gobernador noong 1938 hanggang 1941 at 1946 hanggang 1947.Sa kanya ipinangalan ang magandang lansangan na nag-ugnay sa Morong at Bagac sa silangang bahagi ng Bataan.

 

Kaunlaran

Noong 1970 ay itinayo sa Napot Point ang Bataan Nuclear Power Plant, ang kaunang-unahang plantang nukleyar sa Pilipinas na ginawa ng Westinghouse sa halagang 2.1 bilyong dolyar na inutang lamang ng pamahalaang Marcos mula sa mga bankong dayuhan.

Dahil dito ay biglang nagkaroon ng pag-asa na umunlad ang Morong. Datapwa’t naging kontrobersyal ang nasabing proyekto dahil sa bintang na ito ay itinayo sa ibabaw ng isang fault line at maaaring sumabog ang planta kung sakali’t isang malakas na lindol o pagputok ng bulkan ang tumamasa dakong iyon ng Bataan.

Sinabi rin ng ilang kilalang siyentipiko na mahina ang pagkakagawa sa planta kahit pa ginastusan ito ng napakalaking halaga. Ayon pa sa ilang eksperto, ang isang plantang nukleyar noong panahong iyon ay nagkakahalaga lamang ng 400 milyong dolyar bawat isa, hindi 2.1 bilyong dolyar. Sinasabing korupsyon ang naging dahilan kung bakit napakamahal ng Bataan Nuclear Power Plant.

Natapos ang planta noong 1983 ngunit hindi na ito pinaandar ni Pangulong Ferdinand Marcos. Noong 1986 ay tuluyan na itong ipinasara ni Pangulong Corazon Aquino. Biglang sumadsad sa lupa ang pag-asang umunlad pa ang Morong dahil sa pangyayari.

Naitayo din sa Morong ang Philipine Refugee Processing Center, isang malaking refugee camp para sa mga nagsilikas na Vietnamese mula sa kanilang bansa noong kainitan ng Vietnam War. Ang Center ay isinara noong 1980. Ang ipinalit dito ay ang Bataan Technology Park. Nang buksan ang South Gate ng SBMA noong 1998 ay napalapit ang Morong sa Olongapo City. Ginawa pang extension ng SBMA ang Bataan Technology Park.

Kalagitnaan ng dekada 2000 ay itinayo ng Ayala Land Premier ang isang residential at recreational area sa Anvaya Cove, na nasa pagitan ng Barangay Sabang at Mabayo. Mahigit sa 320 ektarya na nakaharap sa South China Sea ang binili doon ng Ayala at ginawang isang maunlad na pamayanan. Tatlong lokasyon sa nasabing lugar ang natapos nang isaayos ng Ayala: ang Cliffside, Mango Grove at Wood Park. Masasabing nakatulong ito sa dahan-dahang pag-unlad ng bayan ng Morong.

 

Alamat

Sa ulat ni Gng. Cora Zabala-Ross, dating public information officer ng Bataan, ang Morong ay itinatag umano ng mga paring Pransiskano (hindi Agustino-Rekoleto) noong 1578. Ang orihinal na pangalan diumano nito ay “Bayandati.” Hindi niya binanggit na Morong kaagad ang pangalan ng Morong.

Inihayag naman ni National Librarian Eulogio B. Rodriguez noong 1916 na ang pangalan ng Morong ay hinango sa salitang “Moro.” Katwiran niya’y mga lahing Moro ang mga taong unang nanirahan dito.

Sa librong “History of Bataan” ni Victor de Leon ay binanggit na walang malinaw na pinagmulan ang pangalan ng nasabing bayan. Subalit naroon ang ilang talata na nagsasabing kilala ang Morong sa tawag na “Bayandati” kahit noong bago pa dumating ang mga Kastila. Sinabi pa ni Victor de Leon na “madalas lusubin para sakupin ng mga Moro ang nasabing lugar.” Gayon umano ang kuwentong natatak sa isipan ng mga sinaunang tao sa Morong at iyon ang inakala nilang pinagmulan ng pangalan ng Morong.

Ganito naman ang nakasaad sa aklat na “Balik-tanaw (1989) ng DECS-Bataan: “…Noon pa mang 1578, ang Morong (na sakop pa ng Maragondon, Cavite) ay nasapit na ng congregacion ng mga prayleng Pransiskano. Ngunit natatag ang bayang ito matapos pa ang 29 na taon (noong 1607) sa pamamagitan ni Padre (Rodrigo Aganduru y Mortiz de…) San Miguel. Kaugnay nito ang pagsasailalim sa pagkandili at pagkalinga ng Birhen del Pilar,ang patron ng nasabing bayan.”

 

Simula ng Morong

Nakapasimple lang ng pinagmulan ng salitang “Morong”. Ang unang pangalan ng Morong ay “Moron,” hindi “Moro,” hindi rin “Morong.” Ang MORON, ay hinango sa wikang Kastilang “moron.” Makikita sa alinmang Spanish-English dictionary na ang “moron” ay katumbas ng  “isang bulubunduking lugar.

Sa mga nakapunta na sa Morong, malinaw na angkop ang salitang “bulubundukin” sa nasabing bayan. Bundok talaga ang Morong. Nasa paanan ito ng Bundok Silanganan at Bataan Peak, kaya naman ang daan doon ay paakyat, pababa at pasalunga o kaya’y pabulusok. Ang lokasyon ng Bataan Nuclear Power Plant ay sa paanan na mismo ng bundok.

Tama at nasa wastong kaisipan ang mga Kastila nang tawagin nilang “Moron” ang Morong, na tinanggap ng mga taong naninirahan sa nasabing bayan noong panahong iyon. Nagbago lang nang dumating na ang mga Amerikano sa Pilipinas. Iba kasi at hindi maganda ang ibig sabihin sa Inglis ng salitang “moron.” Ang “moron,” sa mga Amerikano ay kasinghulugan ng “an adult with an intelligence equal to that of an average child of eight to 12 years old.” Samakatuwid, ang isang istupidong tao ay puwede din tawaging “moron”.

Nang matuto ng Inglis ang mga taga-Morong, hindi na nila nagustuhan ang pangalan ng kanilang bayan. At hindi sila nag-iisa. Pati ang mga taga-Morong, Rizal, ay gayon din ang naging saloobin. Kaya naman noong Pebrero 15, 1954, nakiusap ang mga taga-Moron, Bataan, na ipabago ang pangalan ng kanilang bayan. Nilapitan nila si dating Congressman Jose R. Nuguid at mga pinuno ng pamahalaang-panlalawigan ng Bataan na ipabago ang pangalan ng kanilang bayan.

Tumugon naman ang Kongreso at pumayag na baguhin ang pangalan ng Moron, Bataan at Moron, Rizal. Si Pangulong Ramon Magsaysay mismo ay nagpalabas ng Executive Order No. 4, may petsang Hunyo 22, 1955, para pagbigyan ang kahilingan ng mga kababayan ng kanyang asawang si Luz Banzon-Magsaysay. Kung kayat ang mga bulubunduking bayan ng Moron, Bataan at Moron, Rizal ay naging Morong, Bataan. Morong. Rizal. Salamat kay Presidente Magsaysay. Ang salitang “Morong” ay wala palang ibang kahulugan o katumbas sa salitang Tagalog o sa wikang Inglis man.

 

Mga Pinunong Naglingkod sa Morong

(1901-2016)

 

Blg.             Alkalde                                 Bise-Aklade                        Taon

1          Salvador Linao                                    n.a.                              1901-1903

2          Mariano Sulangi                                  n.a.                              1903-1905

3          Hermogenes Ramos                          n.a.                              1905-1907

4          Salvador Linao                                    n.a.                              1908-1909

5          Nicolas Mangalindan                          n.a.                              1910-1912

6          Salvador Linao                                    n.a.                              1912-1916

7          Pablo Sulangi                          Facundo Angeles                    1916-1919

8          Facundo Angeles                    Nicolas Mangalindan              1919-1922

9          Melencio S. Batol                    Prudencio Mangalindan          1922-1925

10        Cirilo Z. Paguio                       Gaudencio Mangalindan         1925-1928

11        Gaudencio Mangalindan         Melencio Batol                        1928-1931

12        Anselmo Calma                      Petronilo Dizon                        1931-1934

13        Claudio Pastelero                    Pedro Corpuz                          1934-1937

14        Buenaventura Linao                Juan Paguio                            1938-1941

15        Estanislao Angeles                  Juan Paguio                            1941-1942

16        Florentino Bugay                         -wala-                                  1942-1945

17        Ambrosio Guzman                      -wala-                                  1945-1946

18        Buenaventura Linao                Juan Llenares                         1946-1947

19        Isidoro G. Sulangi                   Ambrosio Guzman                  1948-1951

20        Lorenzo E. Gonzales              Primo Valdez                          1952-1955

21        Julian V. Ramos                                 n.a.                              1956-1959

Julian V. Ramos                                 n.a.                              1960-1963

22        Antonio Calimbas                                n.a.                              1964-1967

23        Venancio Vicedo                                 n.a.                              1968-1971

24        Norberto S. Linao Sr.                          n.a.                              1972-1976

Norberto S. Linao Sr.                          n.a.                              1976-1979

25        Antonio S. Calimbas                           n.a.                              1979-1980

Antonio S. Calimbas                           n.a.                              1980-1986

26        Armando Quimlat                               n.a.                              1986-1988

Armando Quimlat                               n.a.                              1988-1992

27        Bienvenido Vicedo Sr.                        n.a.                              1992-1995

28        Catalino Calimbas MD            _________de Leon                 1995-1998

29        Norberto G. Linao Jr.              Rosalinda Quimlat                  1998-2001

Norberto G. Linao Jr.              Pablo Bugay                           2001-2004

Norberto G. Linao Jr.              Pablo Bugay                           2004-2007

30        Cynthia L. Estanislao, MD      Jose Calma                             2007-2010

Cynthia L. Estanislao, MD      Bienvenido Vicedo Jr.             2010-2013

31        Jorge Estanislao. MD           Bienvenido Vicedo Jr.          2013-2016

Facebook Comments