Rey Valera at Rody Vera Tumanggap ng Dangal ni Balagtas Awards

Rey Valera at Rody Vera Tumanggap ng Dangal ni Balagtas Awards

Rey Valera at Rody Vera Tumanggap ng Dangal ni Balagtas Awards

113
0

ORION, Bataan – Tumanggap ng Komisyon ng Wikang Filipino o KWF Dangal ni Balagtas award ang OPM singer at composer na si Rey Valera at manunulat na si Rodolfo Vera nitong Martes, Abril a dos 2019 sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas sa Orion Elementary School, Orion, Bataan.
Si G. Reynaldo Valera Guardiano, o mas kilala sa pangalan na Rey Valera, na tubong Bulacan, ay napiling gawaran ng Dangal ni Balagtas dahil sa kaniyang di-matatawarang ambag sa pagpapayaman ng sining ng Filipinas sa pamamagitan ng mga makabuluhang musika na sumasalamin sa lawak at lalim ng karanasan ng karaniwang Filipino at ang pagbibibgay ng bagong kahulugan at pagpapahalaga sa tradisyon ng musika at pag-awit sa bansa.
Ginawaran din si Rodolfo “Rody” Vera ng Dangal ni Balagtas dahil sa kaniyang malawak na lawas ng mga akdang panteatro at pantelebisyon na humahamon sa realidad ng buhay ng mga Filipino at sa ibinuhos niyang lakas at talino upang turuan ng sining ng dula ang kabataang Filipino upang maipagpatuloy ang modernisasyon ng teatrong Filipino.
Ang Dangal ni Balagtas ay iginagawad sa mga nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan at sining ng Filipinas at sa mga nakalikha ng mga akdang nag-iiwan ng bakás o humahawi ng landas sa larangan ng pagsusulat.
Bukod kay Rey Valera at Rody Vera, ilan din sa mga nagawaran na ng KWF nitong mga nagdaang taon ay mga manunulat gaya nina Lamberto E. Antonio (2013), Teodoro “Teo” T. Antonio (2014), Rogelio G. Mangahas (2015), Jose “Pete” F. Lacaba (2016), Lualhati Bautista (2017), Ruth Elynia Mabanglo (2017), at Ricardo Lee (2018).

Facebook Comments