‘Txt Tanong/Txt Sumbong’ hotline, inilunsad ng PhilHealth 3

‘Txt Tanong/Txt Sumbong’ hotline, inilunsad ng PhilHealth 3

‘Txt Tanong/Txt Sumbong’ hotline, inilunsad ng PhilHealth 3

106
0

Ibinahagi ni Marie Joy L. Simpao, PIA

LUNGSOD ng SAN FERNANDO, Pampanga – Inilunsad ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth Region 3 nitong Lunes ang “Txt Tanong/Txt Sumbong” hotline upang pahintulutan ang publikong magtanong o magreklamo sa mga benepisyo, programa at patakaran nito.
Ayon kay PhilHealth Region 3 Branch A Manager Lemuel Untalan, nakatuon ang nasabing pasilidad sa pangongolekta ng datos ukol sa mga pinaka-karaniwang tanong o reklamo ng publiko gamit ang pinakamabilis at pinakamadaling paraan sa pamamagitan ng text messaging.
Aniya, magbibigay-daan ito para pag-aralan at pagbutihin pa ng PhilHealth ang antas ng kamalayan at pagpapahalaga sa mga benepisyo at programa ng ahensya, pati na rin ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga miyembro nito.
Ipinaliwanag naman ni PhilHealth Information Technology and Management Office Head Arthur Binuya ang proseso kung saan susuriin ang isang reklamo o tanong at ipapasa sa kaukulang sangay para sa tugon o aksyon.
Sasagutin ng PhilHealth 3 ang mga simpleng tanong sa loob ng walong oras samantalang ang mga mas kumplikadong isyu ay matutugunan sa loob ng 72 oras.
Maaaring ipadala ng publiko ang kanilang mensahe sa 2987 para sa Sun subscriber at 0922-999-2786 para sa iba pang mga network gamit ang mga sumusunod na format: philhealth (space) TNG (space) mensahe para sa mga katanungan; at philhealth (space) SMG (space) mensahe para sa mga reklamo. Ang bawat text message ay nagkakahalaga ng PhP2.50.
Pinamamahalaan ng Information Technology and Management Office at Public Affairs Unit ng PhilHealth ang nasabing hotline.
Ang proyektong ito ang una sa kasaysayan ng PhilHealth na naglalayong magbigay ng kasiyahan sa mga miyembro nito.

Facebook Comments