Valera at Vera, tatanggap ng dangal ni Balagtas mula sa KWF

Valera at Vera, tatanggap ng dangal ni Balagtas mula sa KWF

Valera at Vera, tatanggap ng dangal ni Balagtas mula sa KWF

312
0

Ibinahagi ni JM Garcia, PIA-Bataan

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Tatanggap ng KWF Dangal ni Balagtas sina Rey Valera at Rodolfo Vera sa 2 Abril 2019 sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas sa Orion Elementary School, Orion, Bataan.
Si G. Reynaldo Valera Guardiano, o mas kilala sa pangalan na Rey Valera, ay napiling gawaran ng Dangal ni Balagtas dahil sa kaniyang di-matatawarang ambag sa pagpapayaman ng sining ng Filipinas sa pamamagitan ng mga makabuluhang musika na sumasalamin sa lawak at lalim ng karanasan ng karaniwang Filipino at ang pagbibibgay ng bagong kahulugan at pagpapahalaga sa tradisyon ng musika at pag-awit sa bansa.
Gagawaran din si Rodolfo “Rody” Vera ng Dangal ni Balagtas dahil sa kaniyang malawak na lawas ng mga akdang panteatro at pantelebisyon na humahamon sa realidad ng buhay ng mga Filipino at sa ibinuhos niyang lakas at talino upang turuan ng sining ng dula ang kabataang Filipino upang maipagpatuloy ang modernisasyon ng teatrong Filipino.
Ang Dangal ni Balagtas ay iginagawad sa mga nakapag-ambag sa pagpapayaman ng panitikan at sining ng Filipinas at sa mga nakalikha ng mga akdang nag-iiwan ng bakás o humahawi ng landas sa larangan ng pagsusulat.
Ilan sa mga nagawaran na ng KWF ay mga manunulat gaya nina Lamberto E. Antonio (2013), Teodoro “Teo” T. Antonio (2014), Rogelio G. Mangahas (2015), Jose “Pete” F. Lacaba (2016), Lualhati Bautista (2017), Ruth Elynia Mabanglo (2017), at Ricardo Lee (2018).
Makakapiling natin si Rey Valera sa Araw ni Balagtas sa 2 Abril 2019 sa Orion, Bataan upang personal na tanggapin ang gawad. Tampok naman ang isang video message mula G. Rody Vera.

Facebook Comments